Lolong Bulag na Tanging Bubong lang ang Tinitirhan, Pinagawan ng Maayos na Bahay ng Kanyang OFW na Kapitbahay

Ang ating mga kabahayan ay itinayo upang magkaroon tayo ng proteksyon mula sa mundo sa labas, para sa ating kaligtasan. Ngunit daan-daang libo sa ating mga kababayan ang walang permanteng tirahan o di kaya naman ay walang disenteng lugar na matitirhan. Ang mga biktima ng problemang ito ay nagkalat sa buong bansa buhat sa iba’t ibang kadahilanan.

Sa Barangay Nanerman sa Santo Domingo, Ilocos Sur ay may isang matandang lalaki na mag-isang nainirahan sa ilalim ng bubong; walang dingding at nakasayad pa sa lupa ang mga kahoy na pinapatungan ng mga yero. Ito nga ang nagsisilbing tirahan ni Lolo Rogelio Tabangcura.


 

Kwento ng matanda, ang bubong na kanyang tinitirhan ngayon ang tanging natira na lamang sa kanyang bahay matapos itong sirain ng bagyo. Mag-isa at wala na ngang katuwang sa buhay ang matanda kaya paminsan-minsan ay pinadadalhan umano ito ng pagkain ng kanyang kapatid. Samantala, mamamataan itong madalas na nakayuko o nakaupo lamang sa maliit na espasyo sa loob ng bubong at pakapa-kapa dahil bulag si Lolo Rogelio.


 

Isang OFW ang nakarinig ng nakakaantig na kalagayan ng matanda at nagpasya itong tulungan si Lolo Rogelio na mapatayuan ng maayos na matitirhan. Ang may ginintuang pusong ito ay nakilalang si Krishna Tobia, isang OFW sa Washington, USA. Nanghingi rin ng tulong si Krishna para sa matanda at nakalikop ito ng $2000 o P100,000 pesos. Ang pagsisikap ni Krishna ang naging daan upang makaabot rin ng tulong para kay Lolo Rogelio ang mga kababayan nating sa Ilocos Sur at ng ibang netizens.


 

Mayroong nagbahagi ng mga kakailanganing materyales at kagamitan para sa pagpapatayo ng bahay. May ilan namang naglaan ng kanilang oras at naging pwersa sa pagbuo ng bahay. Ngayon nga ay hindi na mangangamba si Tatay Rogelio sa bawat bagyong darating dail mayroon na siyang matibay at maayos na bahay. Hindi narin nito kailangang ipagsiksikan ang kanyang sarili dahil di tulad ng dati, malaki na ang espasyo ng kanyang tinitirhan. Maaring mayroong mga bagyong darating sa ating buhay na nakakapagpatumba sa atin. Ngunit, napatunayan ng kwento ni Lolo Rogelio na sa ating pagbagsak ay mayroong mga taong handang tumulong upang tayo ay makatayo at magpatuloy muli.


 

Nawa’y marami pa ang katulad ni Krishna na handang tumulong sa mga kababayan nating nahihirapan at nangangailangan.

Comments

Related Articles

Back to top button